De Leon, Juan Gabriel L.
2006-07148
Kasaysayan I TFR2
G. Michael Charleston B. Chua
KATAPATAN AT DIGNIDAD, HIGIT SA KAMATAYAN
Ang taon ay 1942. Ang pandaigdigang kalagayan, digmaan. Ang nanakop, mga Hapones. Ang nasakop, Pilipinas. Maaari nating sabihin na ang panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isa sa mga pinakamadidilim at karimarimarim na panahon sa kasaysayan ng ating bansa, kahit na tila'y nasanay na si Inang Bayan at ang mga mamamayan sa pagpapasa-pasahan, pananakit, at pambubusabos sa kanya ng mga dayuhan. Ngunit hindi ito ang kagustuhan ng mga Pilipino, na maging pawang mga basahan na inaapak-apakan lamang ng mga karatig-bansa, kundi na maging malaya mula sa mahihigpit na kapit ng mga banyaga.
Maraming mga Pilipino ang nagpatotoo nito sa kani-kanilang paraan noong kapanahunan ng pananakop ng mga Hapones, lalo na sa mga kasapi ng liderato na gumawa ng paraan upang panatilihing buhay ang diwa ng nasyonalismong Pilipino sa mga tao, at hindi piniling sumapi sa administrasyon ng mga Hapon - kahit buhay pa ang maging katumbas nito.
Isa sa mga magigiting na bayani na ito ay si Jose Abad Basco Santos, ang Punong Hukom ng Korte Suprema ng Pilipinas bago nagsimula ang digmaan. Siya'y isinilang noong ika-19 ng Pebrero, 1886, sa mag-asawang Vicente Abad Santos at Toriba Basco sa bayan ng San Fernando, Pampanga. Noong 1904 ay ipinadala siya sa Amerika kung saan niya ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Sta. Clara College sa California. Nakapagtapos siya ng abogasya sa Northwestern University sa Illinois at nakakuha ng Master's degree sa George Washington University. Sa Pilipinas naman ay nagtrabaho siya sa Bureau of Justice bilang abogado, at pati na rin sa Philippine National Bank at iba pang kumpanya na pagmamay-ari ng gobyerno, bago sya naging Kalihim ng Hukom (1921-1923, 1928) at Punong Hukom noong ika-24 ng Disyembre, 1941. (Henares, par. 1)
Isa siya sa mga pinagkakatiwalaang tagapayo ng Pangulong Manuel L. Quezon. (Agoncillo, 330) Nang kinailangang lumikas ng Pangulo at ang ilang kasapi ng administrasyon tungo sa Australia at Estados Unidos, nagpaiwan si Abad Santos upang ipagpatuloy ang kanyang panunugkulan sa bayan at samahan ang kanyang pamilya. Kasama ni Jose P. Laurel, sila ang naiwan upang pamunuan ang gobyerno ng Pilipinas at salubungin ang mga Hapones. Dahil dito’y pinuri ni Quezon ang abogado bilang isa sa mga “pinakamarangal, pinakamalinis, at pinakamahusay na tao sa pagseserbisyo sa pamahalaan.” (“Jose Abad Santos”, par. 6)
Nadakip ng mga Hapon si Abad Santos kasama ang kanyang anak na si Jose, Jr. sa Carcar, Cebu noong ika-11 ng Abril, 1942. Bilang pagpapakita ng lakas ng loob, nagpakilala siya bilang Punong Hukom ng Korte Suprema ng Pilipinas. (“José Abad Santos”, par. 4) Pagkatapos nito'y dinala sila sa Lanao, kung saan sinubukan siyang pilitin ng mga Hapones na magtraydor sa Amerika at sumapi sa mga Hapones. Hindi natinag si Abad Santos, kundi tumanggi siya, at sinabi niya sa lingguwaheng Ingles na hindi siya magtatraydor sa kanyang bansa, at na mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa sa mabuhay sa kahihiyan. (R. Jose, 116) Dahil dito napagpasyahan ng mga Hapon na patayin na si Abad Santos. Kanyang iminungkahi sa kanyang anak, bago siya patayin: "Bihirang pagkakataon lamang para sakin ang mamatay para sa ating bansa. Hindi lahat ay nabibigyan ng ganung pagkakataon." Si Jose Abad Santos ay binaril noong ikalawa ng hapon, Mayo 2, 1942. (“Jose Abad Santos”, par. 9)
Ang pagpapapatay kay Abad Santos ay maaaring naging babala sa ibang mga Pilipinong opisyal, ngunit higit pa rito, ito ay nagsilbing pandagdag-gasolina sa lumalagablab na apoy sa mga saloobin ng bawat Pilipinong nasaksihan ang pang-aalipusta at karahasan ng militaryang administrasyon ng mga Hapon. Pagkat sa kabila ng mga iminumungkahi ng mga Hapones sa Pilipinas tungkol sa mga layunin nila ukol sa kalayaan, pagkakaron ng sariling pagkakakilanlan at kultura ng mga Pilipino (“Imperial Salesforce”, 2670-1) sa pamamagitan ng mga propagandang inilalahad ng mga banyaga - mga propaganda na naipapalaganap sa pamamagitan ng pagmomonopolyo ng media at komunikasyon, sa sistema ng edukasyon at kahit sa relihiyon (“Imperial Salesforce”, 2672-3) - iba ang nakikita, naririnig, at nararanasan ng taong bayan: siyang napipilitan na magpakain sa mga malulupit na Hapones na sundalo; siyang sinasaktan, pinipilayan, ginagahasa, ninanakawan, pinapahirapan at hindi pinapakain, kinikitilan ng buhay. (R. Jose, 101-2) Naging mahalaga rin ang kaganapang ito dahil noong mga panahong iyon ay tila bumabagsak at nawawala na ang tapag at giting na nagpapalakas sa nasyonalistikong pananaw. (R. Jose, 38) Ang pagtanggi ni Abad Santos na tumagilid tungo sa mga prinsipyo ng banyaga ay nagpapakita lamang ng kanyang katapatan sa mithiing palayain ang Pilipinas mula sa mga banyaga at matinding pagmamahal sa Inang Bayan. Tunay siyang halimbawa ng bayaning Pilipino na dapat tularan ng bawat Pilipinong mamamayan.
SANGGUNIAN:
Agoncillo, Teodoro A. History of the Filipino People. 8th ed. Quezon City: Garotech Publishing, 1990.
Henares, Ivan Anthony S. “Abad Santos, Jose Basco.” Kapampangan Biographical Dictionary. Center for Kapampangan Studies, Holy Angel University. 5 August, 2006. <http://www.geocities.com/balen_net/biographies.htm>
“Imperial Salesforce: Why the Local Consumers Didn’t Buy the Idea of the Southeast Asia Co-Prosperity Sphere.” FILIPINO HERITAGE: The Making of a Nation. Vol. 7. Manila: Lahing Pilipino Publishing Inc., 1978.
“Jose Abad Santos.” Filipinos in History. 5 August 2006. <http://www.geocities.com/sinupan/AbadSJ.htm>
“José Abad Santos.” Wikipedia: The Free Encyclopedia. 5 August 2006. <http://en.wikipedia.org/wiki/Jose_Abad_Santos>
Jose, Ricardo T. KASAYSAYAN: The Story of the Filipino People. Vol. 7. Hongkong: Asia Publishing Company Ltd., 1998.

No comments:
Post a Comment